Home METRO Police officer patay sa pickup truck

Police officer patay sa pickup truck

BUTUAN CITY- Patay ang isang police officer habang apat ang sugatan, kabilang ang tatlong menor-de-edad sa isang road accident sa South Montilla Boulevard, Purok 8, Barangay JP Rizal, sa lungsod na ito, bago sumapit ang hatinggabi nitong Biyernes.

Kinilala ng Butuan City Police Office (BCPO) ang nasawi na si Police Lt. Col. Renars Salubre, naka-assign sa Dinagat Islands Provincial Police Office (PPO) at residente ng Purok 6, Barangay Bading, sa lungsod na ito.

Hindi pinangalanan ang tatlong sugatang menor-de-edad.

Base sa mga pulis, aksidenteng nabangga mula sa likod ang isang Yamaha STX tricycle na minamaneho ni Felix, 36, residente ng lungsod, ng isang Nissan Navarra na minamaneho ni Viv, 43, mula rin sa siyudad na ito.

Nabangga ng pickup truck ang mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada at si Salubre, na nakatayo malapit sa kanyang sasakyan kung saan naroon ang kanyang pamilya.

Isinugod si Salubre sa ospital subalit idineklarang patay.

Dinala naman ang mga sugatan sa Butuan City Hospital.

Nagtamo ang mga naapektuhang sasakyan ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala.

Kasalukuyang nasa kustodiya si Viv ng BCPO-Station 1 para sa wastong disposisyon at paghahain ng kaukulang kaso. RNT/SA