Home NATIONWIDE Police visibility pinadaragdagan ni PBBM vs krimen, emergency crisis

Police visibility pinadaragdagan ni PBBM vs krimen, emergency crisis

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dagdagan ang police visibility para mapigilan ang krimen at ipatupad ang unified emergency hotline para sa mas mabilis na pagtugon sa krisis.

Sa isinagawang maiden episode ng BBM Podcast, araw ng Lunes, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na tiyakin na ang mga pulis ay malapit sa mga tao.

“So ang una naming ginawa, inutusan ko silang – ng DILG at saka Chief PNP – sinabi ko sa kanila, dapat laging may nakikita na pulis na naglalakad. Kasi pagtagal ng panahon, nakikilala mo na ‘yun,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“O, ‘di – maging kaibigan ‘yung pulis para ‘pag nakita, safe kami rito. Nandiyan si Sergeant ganito, ganyan. Kailangan ang pakiramdam ng tao, laging may pulis dito,” dagdag na wika nito.

Ani Pangulong Marcos, nais niya ang mabilis na pagtugon o pagresponde ng mga pulis, sabay sabing dapat ay nasa pinangyarihan ang mga police officers ng wala pang limang minuto.

Napansin din ng Pangulo na ang ilang kasalukuyang emergency numbers ay maaaring makadagdag sa kalituhan, kaya magpapatupad ang gobyerno ng isang single crisis hotline para sa emergency hotlines sa panahon ng krisis.

“Di ba mayroon tayong iba-iba eh – 119, 911, 999, kung ano-ano. Gagawin naming isa,” ang sinabi ng Pangulo. Kris Jose