Home NATIONWIDE Political amendments sa 1987 Constitution muling isusulong ni Padilla

Political amendments sa 1987 Constitution muling isusulong ni Padilla

MANILA, Philippines- Matapos ibasura ang panukalang aamyendahan ang probisyon ng Saligang Batas sa sistemang politikal, ibinalik ni Senador Robin Padilla ang isyu matapos “mapakinggan” ang expert opinion sa pagbabago sa economic provision ng karta.

Sa panayam, sinabi ni Padilla, chairman ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, na kanyang ikinokonsidera ang pag-amyenda sa political at economic provision ng Saligang Batas.

Naunang naghain si Padilla ng Senate Resolution of Both Houses No. 5, upang amyendahan ang specific political provisions ng 1987 Constitution.

Pero nang matapos ang pagdinig sa opinion ng ilang eksperto, sinabi ni Padilla na bukas siya sa paghahain muli ng hiwalay na resolusyon na ikokonsidera ng sariwang suhestiyon ng ilang stakeholders.

Dininig ni Padlla ng RBH5 nitong Miyerkules na dinaluhan ng ilang speaker na kinabibilangan nina dating finance chief Margarito Teves, dating Budget and Management secretary Romulo Neri, at Consumer Protection Advocacy Group chair Ricardo Penson.

“Dahil sa ganda ng ating talakayan, naisip naming pag-aralan ng committee ang rekomendasyon ng bawat isa patungkol sa mode of amendment ng konstitusyon. Open tayo sa posibilidad na maglabas po tayo ng bagong resolusyon patungkol dito,” ayon kay Padilla.

Pagkatapos ng pagdinig, sinabi ni Padilla sa ambush interview kung anong amendments ang isasama sa bagong resolusyon. Isinagot ng senador ang: “Pati political [provisions].”

“Yun ang sinasabi kanina ng guest natin. Babaguhin mo ang economic provision, iiwan mo naman ang political. Kumbaga, sa riles ng tren — kapag isa lang ang riles ay hindi tatakbo. Mas magandang dalawa, may sense eh,” ayon kay Padilla.

Walang binanggit ang mambabatas sa takdang panahon sa paghahain ng bagong resolusyon pero tiniyak nitong sa susunod na Linggo. Ernie Reyes