Tinangkang dukutin ng mga hindi kilalang tao ang political officer ni Parañaque mayoral candidate Ailleen Claire Olivarez sa isang coffee hub sa Lunsod ng Parañaque hapon ng Sabado.
Sa salaysay ng political officer na si Paulo Cornejo, pinisikal siya ng grupo ng kalalakihan habang nagmemeryenda sila ng kanyang mga kasama sa coffee shop at tinangkang hablutin o iabduct.
“Mismong nakakita yung attorney namin, sabi nga niya attempted kidnapping”, sabi ni Paulo Cornejo.
Dahil sa nangyari ay nagpablotter na si Paulo at ang kanilang abogado ay magbibigay rin ng sinumpaang salaysay sa pulisya.
Pupuntahan naman ng pulisya ang lugar na pinangyarihan ng insidenteng iniulat sa police investigator.
Sinabi pa ni Paulo na wala siyang alam na personal na kagalit o kaaway na posibleng gumawa noon sa kanya.
Kumbinsido ang political officer na may kinalaman umano sa ang pulitika ang pagdukot sa kanya.
“Hindi ako natatakot sa kanila. Mas lalo naming pag-iigihan, baka akala nila matatakot kami at aatras kami, manigas sila,” pagtatapos ni Paulo Cornejo. (Dave Baluyot)