Home NATIONWIDE Politikong iboboto, dapat busisiin – Belgica

Politikong iboboto, dapat busisiin – Belgica

MANILA, Philippines – UMAPELA ang dating Chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa taumbayan na pumili ng tama at mahusay na kandidato na iluluklok sa pwesto sa darating na Mayo 12, 2025 elections.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni dating PACC Chairman Greco Belgica sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan nitong Lunes ng umaga.

Pinaalalahanan ni Belgica ang publiko na huwag nilang iboto ang mga kilala nilang korap at dapat aniya nilang kilalaning mabuti ang mga nais maging lider bago nila ito iboto.

Dahil sa oras na magkamali sila ng iboboto ay lalo lamang maghihirap umano ang mga tao sa mga ganitong klaseng mga politiko na may mga personal na interes.

Ang pahayag ni Belgica ay sa harap ng kanyang pagpuna sa isang mambabatas mula sa ikalawang distrito ng Paranaque dahil sa pamamahagi nito ng pera mula sa pork barrel.

Paliwanag ni Belgica tungkulin ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD) ang pamamahagi ng anumang ayuda o tulong sa mga benispisyaryo o para sa mahihirap at hindi ng sinumang pulitiko o Congressman lalo ngayong nagsimula na ang election period partikular na ngayong magsisimula na ang panahon ng kampanya.

Ayon kay Belgica, hindi maaring pulitiko o kandidato ang magbibigay ng ayuda sa mga mahihirap dahil hindi aniya ito para sa kampanya.

Kaugnay nito si Belgica ay nominado rin sa ilalim ng Bisaya Gyud Partylist at isa sa kanyang tututukan sa Kongreso ang paglaban sa korapsyon, krimen at red tape.

Aniya, sa 25 taon niya sa serbisyo sa gobyerno ay lagi na lamang umano nahuhuli sa pagpaplano at progreso ang mga bisaya.

Ayon kay Belgica, maglalagay ito ng “business global island” at “global island city” na maglilikha ng pitong milyong trabaho para sa mga Bisaya at sa buong bansa at maaaring magresulta sa pag-aangkat ng mga trabaho.

Paliwanag ni Belgica, ang business global island at global island city ay walang red tape kung saan magiging sentro ng mga itatayong negosyo ang Visayas na mapapakinabangan hindi lamang ng mga mamamayan kundi maging ang buong komunidad. JR Reyes