Home NATIONWIDE Pondo ng DPWH sa 2027 posibleng taasan ng Kamara

Pondo ng DPWH sa 2027 posibleng taasan ng Kamara

2
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Kamara na taasan ang panukalang ₱643.95-bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2027.

Ito ay matapos matuklasan ng mga mambabatas ang may ₱1-trilyong agwat sa pagitan ng kasalukuyang pondo sa imprastruktura at sa kinakailangang porsyento upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

Ayon kay House Public Works Committee Chairman Romeo Momo Sr., ang paggasta sa imprastruktura ay dapat umabot sa 5% hanggang 6% ng Gross Domestic Product (GDP).

Dahil tinatayang aabot sa ₱33 trilyon ang GDP ng Pilipinas sa 2027, tinukoy ni Momo na kailangan ng bansa ang humigit-kumulang ₱1.65 trilyon na pamumuhunan sa imprastruktura.

“We are short of P1 trillion,” ani Momo, at idinagdag na ang mas mataas na pondo ay makatutulong upang mapabilis ang ekonomiya, makalikha ng trabaho, at mapataas ang kita ng mga pamilya.

Tiniyak ni Momo na ang karagdagang pondo para sa DPWH ay hindi kukunin sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, o serbisyong panlipunan.

Sa halip, susuriin ng Kamara ang mga hindi nagamit na pondo sa ibang mga ahensya tulad ng Department of Transportation (DOTr), Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)

Bibigyang prayoridad ng karagdagang pondo ng DPWH ang mga high-impact project gaya ng mga pangunahing daanan, tulay, farm-to-market roads, at mga pasilidad publiko.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng mga mambabatas na ang anumang dagdag-pondo ay sasailalim sa mas mahigpit na mga panuntunan at validation mula sa DBM at DPWH, kabilang ang paggamit ng geotagging, Certificates of Implementability, at Program of Works

Ipinahayag naman ni Zamboanga del Norte Rep. Irene Labadlabad na ang mga proyekto para sa flood-control ay sasailalim sa karagdagang pagsusuri gamit ang data ng Project NOAH upang matukoy ang mga high-risk na lugar at unahin ang mga epektibong programa na may aprubadong master plan.

Samantala, tiniyak ni Momo na on track ang Kamara upang maaprubahan ang panukalang ₱7.2-trilyong pambansang pondo para sa 2027 sa ikatlo at pinal na pagbasa bago sumapit ang Oktubre 9.

Ayon kay Momo, natapos na House Committee on Appropriations ang mga pagdinig sa committe level at sisimulan na sa susunod na araw ang deliberasyon sa plenaryo upang matiyak na maipapasa ang General Appropriations Bill bago ang Christmas break ng Kongreso. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here