MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na gamiting venue ang nalalapit na Senate budget hearings upang singilin at pagpaliwanagin ang lahat ng ahensya ng gobyerno hinggil sa mga substandard at ghost flood control projects.
Sa panayam sa RW 95.1 FM nitong Martes, Setyembre 8, binigyang-diin ng senador na magandang pagkakataon ang deliberasyon sa panukalang national budget para busisiin kung paano inilaan at ginastos ang pondo ng bayan, kabilang ang bilyong pisong nakalaan sa flood control at iba pang infrastructure projects.
“Kakausapin din natin ang mga kongresista dahil nga budget ito. Budget hearing na. Budget season na. Dapat sila panagutin, magpaliwanag, at ano ang solusyon sa problema na ito. Makakaasa sila,” ani Pangilinan.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag sa gitna ng patuloy na pagbaha sa Luzon, lalo na sa Metro Manila, Region 3 at Region 4, dahil sa pinalakas na habagat at sunod-sunod na bagyo.
Partikular niyang tinutukan ang Pampanga, probinsya ng kanyang ama, na isinailalim na sa State of Calamity dahil sa malawakang pinsala ng habagat. Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense isang linggo na ang nakalipas, mahigit 300 barangay sa 16 na lugar sa Pampanga ang nalubog sa baha.
“Right now, we are in touch with the DPWH dahil nag-announce si Governor Nanay (Lilia Pineda) yung pagtulong ng national government yung sa Sabo Dam,” sabi niya.
“So, we are in touch with NIA, with (DPWH) Secretary Vince Dizon. Haharap na sila sa budget. Uunahin natin yun anong ginagawa nila dito sa pinangako para matulungan ang Pampanga na Sabo Dam na sinasabi na strategic at iba pang mga long-term solutions,” aniya.
Tinanggap din ni Pangilinan ang pagpuna ng publiko sa kabiguan ng mga flood control project.
Aniya, kailangang maningil ng pananagutan at transparency ang mga Pilipino at ipahayag ang kanilang saloobin.
“Well, ako, sa akin, kung maaari, tayo ay direktang apektado nitong baha eh sulatan natin, kausapin natin, makipagpulong tayo sa ating mga lokal na opisyal at singilin, magtulong-tulong para mahanapan ng solusyon itong problema ng pagbaha,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Pangilinan ang pangangailangan ng comprehensive at long-term na solusyon sa pagbaha, sa halip na umasa lang sa mga hiwa-hiwalay at hindi magkakaugnay na proyekto.
Matagal na niyang isinusulong ang isang unified flood control master plan na hindi lang magpapabuti ng flood control at mitigation systems, kundi tutugon din sa pangangailangan ng bansa sa inuming tubig, irigasyon, at hydropower. Ernie Reyes