May umiikot na usap-usapan tungkol sa isang mataas na opisyal na umano’y ginamit ang bahagi ng pondo para sa isang malaking proyekto upang tustusan ang kandidatura ng kanyang kapatid sa nagdaang halalan.
Ayon sa mga miron, umabot umano sa P150 milyon ang kabuuang halaga na dapat sana’y nakalaan para sa pagpapatayo ng isang gusali. Subalit, kung pagbabasehan ang bulung-bulungan, P50 milyon lang daw ang tunay na napunta sa proyekto, habang ang P100 milyon ay iniurong umano bilang suporta sa pangangampanya ng kapatid ng opisyal — na nanalo pa.
Hindi biro ang ganitong mga alegasyon lalo’t kilala ang pamilya ng opisyal na may impluwensiya at yaman, bukod pa sa malalaking koneksyon sa politika, partikular sa Mindanao. Dagdag pa ng mga tsismosa, mahirap isiping gipit sa pera ang opisyal dahil may mansion ito sa isang eksklusibong village sa Metro Manila.
Sabi ng ilan, lalong lumalakas ang posisyon ng opisyal dahil umano’y nagbibigay rin ito ng suporta sa iba pang kandidato tuwing eleksiyon. Ngunit sa mata ng ordinaryong mamamayan, malaking tanong kung hanggang kailan palulusutin ang mga ganitong klase ng gawain.
Kung totoo ang mga paratang, hindi lamang ito simpleng kapabayaan kundi malinaw na panlilinlang sa taumbayan. Kayo na ang humusga kung hanggang saan ang katotohanan sa kwentong ito — at kung may mananagot pa sa bandang huli. RNT