VATICAN – Nagkaroon ng kalmadong gabi at nagpahinga kasunod ng krisis sa paghinga at pagsasalin ng dugo si Pope Francis na nasa kritikal na kondisyon pa rin at nakikipaglaban sa double pneumonia, sinabi ng Vatican nitong Linggo, Pebrero 23.
Ang Papa ay na-admit sa Gemelli hospital ng Roma noong Pebrero 14 matapos makaranas ng kahirapan sa paghinga nang ilang araw at pagkatapos ay nagkaroon ng pneumonia na na-diagnose sa magkabilang baga.
Inilarawan ng Vatican ang kondisyon ng Papa na kritikal sa unang pagkakataon na iniulat ang pangangailan niya ng oxygen at blood transfusion matapos ang “prolonged asthma-like respiratory crisis”.
Sinabi ni Archbishop Rino Fisichella, senior Vatican official sa mga nakilahok sa Misa sa St. Peter Basilica nitong Linggo ng umaga na dapat ipanalangin ang Papa nang mas maigting pa.
Nagsagawa rin ng special Mass Linggo ng gabi para sa panalangin kay Francis upang magkaroon ng lakas na malagpasan ang kanyang pinagdadaanan.
Nagpakita naman ng pag-aalala ang mga pilgrims malapit sa Vatican noong Linggo ng umaga sa kondisyon ng Papa.
May mga grupo rin na nagtipon-tipon sa labas ng ospital para manalangin sa estatwa ng yumaong si Pope John Paul II na ginamot sa nasabing pasilidad nang maraming beses sa panahon ng kanyang mahabang pagka-Papa.
Sa isang pahayag noong Sabado ng gabi, sinabi ng Vatican na ang respiratory crisis ng Papa ay nangangailangan ng pangangasiwa ng “high-flow oxygen”.
Sa isang briefing noong Biyernes, sinabi ng dalawa sa kanyang mga doktor na ang Papa ay lubhang mahina dahil sa kanyang edad at pangkalahatang kahinaan.
Sinabi ni Dr. Sergio Alfieri, isang senior na miyembro ng staff ng Gemelli, na may panganib na ang impeksyon sa baga ay maaaring kumalat sa kanyang daluyan ng dugo at maging sepsis, na “maaaring napakahirap na malampasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden