MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi makapagpapatuloy ang Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung hindi magpapatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay kasunod ng paghimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na ang trial ay maaaring magpatuloy kahit na naka-break ang Kongreso.
“Bago yata ‘yun. Hindi pwedeng mag-special session ang Senado nang kami lang. May proseso, may procedure, at may mga basehan bago magpatawag ng isang special session. Hindi ganon ganon na lamang,” pahayag ni Escudero sa panayam ng DZBB.
Sinabi niya na ang informal meetings o caucuses sa mga senador ay hindi katumbas ng special session na makapagtatayo ng isang impeachment court.
Matatandaan na kamakailan ay hinimok ni Pimentel si Escudero na mag-convene na ng isang caucus para pag-usapan ang trial, kasabay ng pangamba na ang mga senador ay tumutok na sa 2025 midterm elections.
Sa liham, nanawagan din siya sa agarang pagsisimula ng impeachment trial.
Ani Escudero, pag-uusapan ang proposal ni Pimentel ngunit nanindigan na ang impeachment ni Duterte ay hahawakan gaya ng mga nagdaang kaso na walang special treatment.
“Sino man ang magsasalitang partisano, sino man ang hihirit at magbibigay ng opinyon na merong nang posisyon—pabor o hindi pabor sa impeachment, pabor o kontra kay VP Sara—hindi namin gaanong bibigyan ng pansin dahil partisano nga sila eh,” aniya.
“Ang susundin namin ang Konstitusyon, ang batas, at kung ano ang tingin naming tama. Hindi kung ano ang dinidikta higit pa ng mga partisano at mga may mga may sarili nang posisyon kaugnay sa impeachment,” dagdag ni Escudero. RNT/JGC