Home TOP STORIES Pope Leo XIV: Relihiyon ‘di dapat gawing dahilan ng digmaan

Pope Leo XIV: Relihiyon ‘di dapat gawing dahilan ng digmaan

153
0

VATICAN – Tinuligsa ni Pope Leo XIV ang pahayag na ginagamit ang relihiyon upang bigyang-katwiran ang digmaan.

Sa Palm Sunday Mass na ginanap sa harap ng libu-libong tao sa St. Peter’s Square, nagdasal siya para sa mga Kristiyano sa Gitnang Silangan na apektado ng mga digmaan, kabilang ang U.S.-Israeli laban sa Iran at ang kasalukuyang kampanya ng Russia sa Ukraine.

Iginiit ng Santo Papa sa kanyang homily na ang Diyos ay “hari ng kapayapaan” na tumatanggi sa karahasan at nagbibigay kaginhawahan sa mga inaapi.

Partikular na tinuligsa ng papa ang ginawa ng mga opisyal ng U.S. na ginamit ang pananampalatayang Kristiyano upang ipakita ang digmaan bilang laban ng isang Kristiyanong bansa.

Gayundin, ginamit ng Orthodox Church ng Russia ang relihiyon upang tawaging “banal na digmaan” ang paglusob sa Ukraine laban sa masamang impluwensiya ng Kanluran.

Ang Palm Sunday ay nagmamarka ng tagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bago ang kanyang pagpapako sa krus, na ginugunita ng mga Kristiyano sa Good Friday, at muling pagkabuhay sa Easter Sunday.

Sa espesyal na pagbabasbas matapos ang misa, sinabi ni Pope Leo na siya’y nagdarasal para sa mga Kristiyano sa Gitnang Silangan na “naghihirap dahil sa malupit na digmaan” at hindi lubos na makapagsagawa ng mga banal na ritwal ngayong Holy Week.

Nauna nang inihayag ng Latin Patriarchate na hinarang ng Jerusalem police ang mga lider ng Simbahang Katoliko na pumasok sa Church of the Holy Sepulchre, ang lugar kung saan pinaniniwalaang ipinako si Hesus. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng maraming siglo na hindi nakapagdiwang ng Palm Sunday rito ang mga lider ng simbahan.

Sa Holy Week, pinaalala ni Leo na hindi dapat kalimutan ng mga Kristiyano ang mga taong naghihirap sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tulad ng pagdurusa ni Kristo.

Ngayong Holy Week, pangungunahan ni Pope Leo ang mga liturgical events, kabilang ang Holy Thursday foot-washing ceremony sa St. John Lateran, na ibinabalik ang tradisyong matagal nang ginagawa ng mga papa. Hindi pa inihahayag kung sino ang mga lalahok, ngunit karaniwang hinuhugasan ang paa ng 12 pari.

Sa Good Friday mangunguna si Poe Leo sa prusisyon sa Colosseum bilang paggunita sa Passion at pagpapako kay Kristo.

Sa Sabado, gagawin ang Easter Vigil kung saan magbibinyag si Pope Leo ng mga bagong Katoliko.

Sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, pangungunahan niya ang misa sa St. Peter’s Square at magbibigay ng Easter blessing mula sa basilica. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here