PUERTO PRINCESA CITY, Philippines – Naglabas ng abiso ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ng Puerto Princesa para sa mga mangingisda at mandaragat kaugnay ng nakatakdang rocket launch ng China sa Sabado, Oktubre 10, 2026.
Ayon sa DRRMC, ilulunsad ng People’s Republic of China ang Long March 12 Rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, mula alas-3:20 hanggang alas-3:49 ng madaling araw, Philippine Standard Time.
Ang impormasyon ay mula sa Philippine Space Agency (PhilSA).
Pinayuhan ang mga mangingisda at mandaragat na mag-ingat dahil posibleng may mahulog na debris sa karagatan.
“Huwag Hawakan: Kung may makitang lumulutang o napadpad na debris, huwag itong lalapitan o hahawakan dahil maaari itong maglaman ng nakalalasong kemikal,” ayon sa DRRMC.
“I-report Agad: Ipagbigay-alam agad ang anumang mamataang debris sa pinakamalapit na Coast Guard, Barangay, o sa CDRRMO/MDRRMO,” dagdag nito. RNT/MDS