Home NATIONWIDE Potensyal ng Luzon bilang ‘prime logistics hub’ tinututukan ng DOTr

Potensyal ng Luzon bilang ‘prime logistics hub’ tinututukan ng DOTr

MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista noong Huwebes na ang Luzon corridor ay may potensyal na maging isang principal logistics hub na may dalawang big-ticket railway projects na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya.

Inihayag ni Bautista na ang dalawang proyekto – ang North-South Commuter Railway (NSCR) – New Clark City Extension, at ang Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway – ay nakikita bilang mga pamumuhunan na makakatulong sa pagpapabilis ng pag-unlad.

Ang mga proyektong ito ay makaaakit ng mas maraming investments para sa mga railway system, modernisasyon ng daungan at upgrades, mga malinis na energy projects, agri-business, at mga pasilidad ng cold storage.

“The direction was to focus on the two flagship transport projects to serve as backbone for regional economic growth and development,” sabi ni Bautista sa Philippine Business Mission of the US – Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Business Council.

Aniya, ang SCMB ay ang prayoridad na proyektong imprastraktura na naglalayong maging isang heavy-rail commuter at freight railway na nag-uugnay sa mga pangunahing daungan sa Luzon sa mga economic zone sa Greater Capital Region.

“The project also aims to establish dry port terminals along the corridor with future extensions northward to the Ilocos Region and southward to the Bicol Region,” wika pa ng opisyal.

Sa kabilang banda, ang New Clark City extension ng NSCR ay susuportahan ang pagpapaunlad ng New Clark City sa pamamagitan ng pagpapabuti ng access sa Clark International Airport (CRK) at National Capital Region (NCR).

Nanawagan din si Bautista  sa suporta ng US-ASEAN Business Mission sa pagkumbinsi sa mas maraming mamumuhunan sa potensyal na mga proyekto at inisyatiba ng bansa, kabilang ang sustainable na transportasyon at digital transformation tulad ng automated fare collection system para sa mga pampublikong utility vehicle.

Ang Philippine Business Mission ay taunang pagpupulong ng US-ASEAN Business Council members kasama ang gobyerno ng Pilipinas. 

Binibigyang-daan ng kaganapan na makipag-ugnayan ang mga senior na kinatawan mula sa mga miyembrong kompanya sa mga priority stakeholder at palakasin ang kahalagahan ng relasyon sa negosyo ng US at Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden