Home NATIONWIDE Poultry imports galing Michigan ipinagbawal ng DA

Poultry imports galing Michigan ipinagbawal ng DA

MANILA, Philippines- Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pagpapasok ng poultry products mula sa Michigan, United States kasunod ng ulat ng bird flu outbreaks sa nasabing lugar.

Ipinatupad ng DA ang temporary importation ban sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 24 upang protektahan ang consumers at ang local poultry industry.

Saklaw nito ang domestic at wild birds at mga produkto ng mga ito, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, eggs, at semen galing Michigan.

Ang mabilis na pagkalat ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) subtype H5N1 sa US “in a short period of time since its first laboratory detection necessitates a wider coverage of trade restriction to prevent the entry of HPAI virus and protect the health of the local poultry population,” saad sa memo.

Sa kautusang ito, agad na sinuspinde ng ahensya ang pagproseso, ebalwasyon, at pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa mga nasabing commodity.

Inilabas ng DA ang direktiba kasunod ng pagbibigay-alam ng US authorities sa World Organization for Animal Health (WOAH) at post nito sa official website, USDA Animal and Plant Health Inspect Service, na mayroong avian influenza outbreak na nakaaapekto sa domestic birds.

Bago ang pagpapairal ng MO No. 24, tinanggal ng DA ang temporary ban sa pag-aangkat ng poultry products mula sa Ohio.

Isa ang US sa major sources ng bansa ng meat imports, kasama ang Brazil at Spain. RNT/SA