Home NATIONWIDE Romualdez, Escudero magpupulong sa Huwebes

Romualdez, Escudero magpupulong sa Huwebes

MANILA, Philippines- Nakatakdang magpulong sina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Huwebes upang talakayin ang legislative priorities ng administrasyon at ihanay ang legislative agendas ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

“Bukas ‘yung meeting natin, at syempre, tatalakayin ‘yung priority legislative agenda,” pahayag ni Romualdez nitong Miyerkules.

“Sa House of Representatives, tapos na ang lahat ng priority legislation ng ating mahal na Presidente, SONA measures at LEDAC (Legislative Executive Development Advisory Council). Pero syempre may bagong leadership ngayon [ang Senate] at baka may bagong priorities na irerekomenda rin, so papakinggan po natin ‘yan,” dagdag niya.

Nauna nang inihayag ni House Deputy Majority Leader and ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na magiging bahagi ang mga panukalang amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution ng agenda sa pagpupulong ng dalawang pinuno ng Kapulungan.

Kasalukuyang nasa recess ang Kamara matapos mag-adjourn ng second regular session ng 19th Congress noong Mayo 22. Muling gugulong ang sesyon sa Hulyo 22. RNT/SA