Home HOME BANNER STORY Power maintenance sa NAIA kasado mula Peb. 6 ‘gang Marso 7; ‘minimal...

Power maintenance sa NAIA kasado mula Peb. 6 ‘gang Marso 7; ‘minimal disruptions’ asahan – MIAA

MANILA, Philippines- Naglabas ng abiso ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makakaranas ng “minimal disruptions” ang ilang lugar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 1 at 2 dahil sa electrical maintenance mula Pebrero 6 hanggang Marso 7.

Batay sa abiso ng MIAA, gagawin ang maintenance activity sa Administration Building, International Cargo Terminal, at airfield.

“Minimal disruptions will occur in some areas but (the) management assures the riding public that critical systems used for passenger processing will remain operational,” nakasaad sa abiso.

Karaniwang binabawasan ng MIAA ang ilaw sa ilang lugar at gumagamit ng mga generator set para sa air conditioning, check-in counter, at iba pa, sa panahon ng power maintenance.

Ayon sa MIAA, ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pag-upgrade ng mga electrical system ng paliparan, at tiniyak sa publiko na hindi ito magdudulot ng malaking epekto sa kanilang flight operations.

Samantala, nagbabala ang flag carrier Philippine Airlines (PAL) sa publiko laban sa isang pekeng Facebook page na nagpo-post ng mga pekeng promosyon.

Ang isang page na pinangalanang “Philippine Airlines – Main Page” ay humihiling sa mga mambabasa na i-click ang isang button para mag-avail ng “free flights for six months” sa halagang P168.

Nagbabala ang tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna na maaaring isa itong phishing trap.

Pinaalalahanan din niya na ang mga opisyal na promo at anunsyo ay naka-post lamang sa opisyal na website at Facebook page ng PAL. JAY Reyes

Previous articleDigitalization hirit ng NCSC sa mga negosyo para sa monitoring ng transaksyon ng mga senior
Next articleSermonia out, Emmanuel Peralta in bilang PNP acting deputy chief for admin ng PNP