MANILA, Philippines- Nagkaroon ng tensyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 makaraang umusok ang powerbank ng isang pasahero kung saan agad namang tumugon ang mga awtoridad sa nasabing paliparan nitong Lunes, Mayo 12.
Sinabi ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na agad na natugunan ang insidente nang walang naitalang napinsala o nasirang pasilidad ng paliparan.
Sinabi ng NNIC na may nakitang usok na nagmula sa Baggage Carousel 3 ng NAIA Terminal 1 kaya’t agad na nagpadala ng airport emergency response teams sa lugar.
Nabatid na ang mga pasahero sa paligid ay pansamantalang inilayo para na rin sa kanilang kaligtasan habang nagkaroon sila ng bentilasyon upang agad na maapula ang usok.
Pagsapit ng alas-5:18 ng hapon ay natukoy ng mga responder ang pinagmulan ng usok sa isang powerbank na posibleng nahulog mula sa bagahe ng isang pasahero patungo sa carousel system.
“The device caused a minor spark, which produced the smoke. There was no open flame, and the carousel remained fully operational after testing,” ayon sa NNIC.
Agad namang nagsagawa ng paglilinis sa nasabing lugar at ipinagpatuloy ang mga operasyon ng terminal upang maiwasan ang pagkaantala. JR Reyes