MANILA, Philippines – Binigyan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng hanggang Pebrero 12 si Senator Jinggoy Estrada para makapagsumite ng karagdagang dokumento bago makapagsumite naman ng counter-affidavits ang mga respondent.
Ito ay matapos ang isinagawang unang preliminary investigation hearing ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong plunder laban sa Senador kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, hiningi ng NBI ang karagdagang araw para magsumite ng mga dokumento bilang suporta sa kanilang reklamo.
“Binigyan sila ng pagkakataon, at pagkatapos nito ay magsusumite naman sina Bong Revilla at iba pang respondent ng kanilang counter-affidavits,” ani Martinez
Sinabi niya na ang susunod na pagdinig ng preliminary investigation ay gaganapin sa Pebrero 12.
“Tingnan natin kung paano ito uusad mula doon,” dagdag niya.
Hindi dumalo si Estrada sa pagdinig ngunit kinatawan siya ng kanyang abogado na si Bianca Soriano, na tumangging magbigay ng pahayag sa media.
Kasama ang kanyang abogado, dumalo naman si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa unang pagdinig.
Tumanggi siyang magbigay ng detalye ngunit inamin niyang nauunawaan ang bigat ng akusasyon.
Ayon kay Bonoan, kailangan niya pang aralin mabuti ang reklamo dahil medyo mabigat aniya ito.
Nauna nang itinanggi ng dating kalihim ang akusasyon.
Ayon kay Martinez, ang mga respondent na hindi pa nasasampahan ng kaso sa korte ay maaari pa ring magbiyahe ngunit ilalagay sila sa mahigpit na pagbabantay.
“Wala sa posisyon ang DOJ para magbigay ng permiso sa sinumang respondent na nais magbiyahe. Hangga’t respondent pa lang sila at hindi pa akusado, may karapatan silang magbiyahe saanman nila nais,” paliwanag niya.
Dagdag pa, bantay sarado kapag nasa ilalim sila ng ILBO. Jocelyn Tabangcura-Domenden