Home HOME BANNER STORY Premature campaigning sa 2025 poll ikakasa ng Comelec

Premature campaigning sa 2025 poll ikakasa ng Comelec

Kuha ni Crismon Heramis l Remate News Central

MANILA, Philippines – Target ng Commission on Elections (Comelec) na magpatupad ng pagbabawal sa premature campaigning sa May 2025 midterm polls.

Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia, sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 5, na kanilang ipapataw ang pagbabawal sa mga aktibidad sa maagang pangangampanya laban sa mga kandidatong naghain na ng kanilang Certificates of Candidacy (COCs).

Sinabi ni Garcia na ang hakbang na ito ay bahagi ng constitutional duty ng poll body na ipatupad at pangasiwaan ang mga batas sa halalan.

“Kapag nag-file sila ng kanilang mga COC sa Oktubre, dapat silang lahat ay ikonsidera bilang mga kandidato na,” dagdag ng poll body chief.

Sa ilalim ng Poll Automation Law, “ang sinumang tao na maghain ng kanyang sertipiko ng kandidatura ay maituturing lamang bilang isang kandidato sa simula ng panahon ng kampanya”, at “mga labag sa batas na pagkilos na naaangkop sa isang kandidato ay dapat na magkakabisa lamang sa pagsisimula ng campaign period”.

Noong 2009, pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang probisyon sa kaso ng Peñera vs. COMELEC, na naging daan para maalis ang premature campaigning bilang isang election offense.

“The Commission will proceed as is with our plan. In case we are prevented by the Supreme Court if someone file a petition questioning our action, we will respect that. Pero ang mahalaga ay kumikilos ang Comelec,” ani Garcia.

Noong 2023 BSKE, ipinatupad ng poll body ang pagbabawal kung saan naglabas ito ng show cause order sa 7,500 taya dahil sa maagang pangangampanya.

Sa bilang na ito, may kabuuang 253 nanalong kandidato ang hindi naiproklama habang nananatiling nakabinbin ang kanilang mga kaso. RNT