Home HOME BANNER STORY Presyo ng bigas bababa na sa peak-harvest season – DA

Presyo ng bigas bababa na sa peak-harvest season – DA

MANILA, Philippines – Maaaring asahan ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng bigas sa gitna ng peak-harvest season, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Inilabas ng DA ang pahayag kasunod ng napaulat na rice inflation na pumalo sa 23.7 percent noong Pebrero, na nag-ambag sa food inflation hike na umabot sa 4.8 percent.

Sa isang briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na bahagyang bumaba ang presyo ng bigas sa huling bahagi ng Pebrero.

“Noong huling bahagi ng February hanggang ngayon ay nasa P49 to P50 level na iyong prevailing prices,” aniya pa.

Noong Enero, ang average na umiiral na presyo ng bigas ay nasa P52 hanggang P53 para sa well-milled at regular-milled rice.

“Inaasahan natin na lalo pa itong bababa dahil ngayong Marso, nagsimula na iyong anihin natin ng palay at magpi-peak ito March-April,” dagdag ni De Mesa.

Gayundin, sinabi niya na ang pagbaba ng farmgate price ay makatutulong sa pagbaba ng retail price.

Samantala, sinabi ni De Mesa na hindi umabot sa productive stage ng palay ang pinakamasamang epekto ng El Nino dahil sa timing nito.

“This is very small in terms of total rice area. In terms of total rice production, medyo minimal din about 0.11 percent ng total harvest na inaasahan natin. So hindi ganun kalaki iyong epekto,” giit pa ng opisyal.

Ang El Niño phenomenon sa ngayon ay nagdulot ng PHP284.27 milyong halaga ng pagkawala sa produksyon ng palay, na nakakaapekto sa hindi bababa sa 5,011 ektarya ng mga sakahan ng palay, ayon sa DA-Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO). Santi Celario

Previous articleImelda nasa mabuting kalagayan na – PBBM
Next articlePremature campaigning sa 2025 poll ikakasa ng Comelec