MANILA, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magpapatuloy ang paghahanda para sa internet voting para sa mga overseas Filipinos sa halalan 2028, sa kabila ng nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa ilang aspeto ng sistemang ginamit sa 2025 elections.
Kinumpirma ni Comelec Chairperson George Garcia na natanggap nila noong Biyernes ang kautusan ng Korte Suprema na magbigay ng komento ang poll body sa mosyon na humihiling ng intervention sa kasong tumututol sa online overseas voting. Ayon sa kanya, handa ang Comelec na idepensa ang sistema at nakikipag-ugnayan na rin ito sa Office of the Solicitor General.
“Mismong ang batas ay nag-authorize kay Comelec na pumunta sa ibang modes of voting, hindi lamang yung in-person,” ani Garcia.
“At the same time, gusto naman namin ipresenta rin sa Korte Suprema ang naging magandang outcome noong internet voting natin lalong-lalo na yung pinagmamalaki namin na 100 percent na nag-tally yung result ng internet, at yung manually counted na results,” dagdag niya.
Giit pa ni Garcia, tuloy ang paghahanda ng Comelec kahit may kaso sa hukuman.
“As far as we’re concerned, as of this time, tuloy na tuloy ang internet voting para sa mga kababayan natin,” aniya.
Ayon sa Comelec, magsisimula ang online voting para sa overseas Filipinos sa Abril 9, 2028, habang ang enrollment ay uumpisahan na sa Pebrero 9, 2028, mas maaga kumpara sa Marso na ipinatupad noong 2025. Pinalalawak din ng Comelec ang mga tanggap na identification documents para mas mapadali ang pagpaparehistro ng botante.
“Ang isa sa mga naging issue, limited lang yung mga tinatanggap ng mga ID o pagkakakilanlan. Gusto namin ngayon, pagka nag-procure tayo dito sa TOR (Terms of Reference) at yung mananalo na bidder, mas malawak na pwedeng tanggapin na ID,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, maaari ring tanggapin ang mga expired na passport at seaman’s book basta makapagpapatunay ng pagkakakilanlan.
Pinag-aaralan din ng Comelec ang paggamit ng instant messaging apps para sa pagpapadala ng one-time passwords (OTPs) sa halip na SMS o email lamang. Tinitingnan din ang isyu ng kawalan ng malinaw na beripikasyon ng boto upang maiwasan ang pagkuha ng larawan ng balota at posibleng vote-buying.
“Pag kasi ganun, pwedeng ma-picturan, pwedeng mai-post, o pwedeng maging paraan o dahilan para sa issue ng vote-buying… Maglalagay na lang kami ng isang provision sa ating magiging guidelines na bawal i-post yung mga makukuhanan ng picture ng mga nai-cast na boto. Kasi otherwise, ico-consider natin na election offense,” ani Garcia.
Samantala, tumanggi si Garcia na magkomento sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, na una nang nagpahayag ng planong tumakbo bilang pangulo sa 2028. Ayon sa kanya, regular na tumatanggap ang Comelec ng disqualification cases ngunit dapat itong maresolba bago pa man ang pag-imprenta ng balota.
“Ang dapat masigurado lang ni Comelec, na sana bago man lang mag-imprenta ng mga balota sa darating na eleksyon ng 2028, ay tapos na yung mga kaso ng disqualification or cancellation,” dagdag niya. RNT