BUTUAN CITY – Patay ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) matapos ang engkwentro nitong Lunes, Mayo 11, 2026, sa Sitio Casting, Barangay Bayan, Marihatag, Surigao del Sur, ayon sa militar.
Kinilala ng 401st Infantry Brigade ng Army ang nasawing rebelde na si Edilberto Daval, alyas “Bong,” na kilala rin bilang “Waco” at “Bill.”
Siya ay nagsilbing second deputy secretary ng executive committee ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) at commanding officer ng Regional Operations Command nito.
Ayon sa ulat, nadakip din ng mga tropa mula sa 75th Infantry Battalion at 3rd Special Forces Battalion ang isa sa mga kasamahan ni Daval na kinilalang si Jaymark Bada Lamela, alyas “Miggy” o “Migz,” na isang security member ng NEMRC-ROC. Narekober sa lugar ang isang Tavor TAR-21 assault rifle at isang R4 rifle.
“This development marks the continuing collapse of the Communist Terrorist Group (CTG) leadership and operational capability of NEMRC,” ayon kay Col. Glenn Joy Aynera, acting commander ng 401st Infantry Brigade.
Giit niya, nagpapakita ang operasyon ng paghina ng natitirang network ng grupo at ng bisa ng tuloy-tuloy na operasyon ng militar katuwang ang suporta ng komunidad.
Nanawagan din si Aynera sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan, kasabay ng pagtiyak ng tulong sa ilalim ng mga reintegration program.
“We continue to call on the remaining CTG members to abandon the armed struggle and return peacefully to the folds of the law while they still have the chance. The government is ready to assist them through various reintegration programs so they can rebuild their lives and reunite with their families,” aniya. Mary Anne Sapico