Home NATIONWIDE Rep. Tiangco, ipinaliwanag pagpabor sa impeachment ni VP Sara

Rep. Tiangco, ipinaliwanag pagpabor sa impeachment ni VP Sara

97
0

MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco ang kanyang boto na “yes” sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, na aniya ay bunga ng tungkulin sa Saligang Batas at paninindigan sa pananagutan sa gobyerno, sa kabila ng kanyang pagiging kritiko ng administrasyong Marcos.

Si Tiangco ay kabilang sa 257 mambabatas na bumoto para i-adopt ang Committee Report (CR) No. 261 na naglalaman ng apat na articles of impeachment laban kay Duterte, dahilan upang maisulong ang kaso sa Senado bilang impeachment court. Ang boto ay 257-25-9 (yes-no-abstain).

“Hindi madali ang bumoto ng ‘yes.’ Mabigat ang timing—sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan at sa panahong hirap ang ating mga kababayan. Totoo, mas kailangan ngayon ang mga batas na direktang makakatulong sa kanila,” ani Tiangco.

“Ngunit malinaw din sa ating Saligang Batas na may itinakdang proseso at panahon para resolbahin ang impeachment,” dagdag niya.

Giit ni Tiangco, hindi maaaring maging dahilan ang pag-aantala o hindi pagkilos sa usapin ng pananagutan, at iginiit na ang accountability ay hindi dapat pumipili. Binanggit niya ang isyu sa statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) ni Vice President Duterte, partikular ang umano’y hindi deklaradong cash assets, na dapat aniyang malinawan sa tamang forum.

“Kung ako ay bumoto ng ‘no’ o mag-abstain, para ko nang sinabing hindi na kailangang ipaliwanag ang mga isyung ito. Lalabas na may double standard ako—ang mismong bagay na matagal ko nang kinokontra,” ani Tiangco.

Nilinaw din niya na ang kanyang boto ay hindi paghatol ng pagkakasala kundi pagbibigay-daan sa pormal na proseso sa Senado.

“The vote for ‘yes’ is not a judgment of guilt. Ito ay pagbibigay daan sa isang pormal, maayos, at transparent na proseso sa Senado kung saan maipapaliwanag ang panig ng Bise Presidente at mailalabas ang buong katotohanan—on record, under due process,” aniya.

Dagdag pa ni Tiangco, ang Senado ang tamang lugar para talakayin ang mga isyu sa financial disclosures at iba pang kaugnay na alegasyon.

“This is the most responsible step forward—hindi para maghusga, kundi para siguraduhin na may pagkakataon ang bawat panig na marinig at maipagtanggol ang sarili,” dagdag niya.

Sa botong ito, pormal nang na-impeach si Vice President Duterte at lilitisin sa Senado. Kapag napatunayang guilty, maaari siyang alisin sa pwesto at bawalan nang humawak ng anumang pampublikong posisyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here