MANILA, Philippines – Tiniyak ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano na susundin ng Senado ang Saligang Batas at mga umiiral na batas sa paghawak ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Cayetano, na nahalal nitong Lunes sa botong 13 sa 24 na senador, ay nagsabing rerepasuhin muna ng Senado ang mga patakaran sa sandaling matanggap nila ang articles of impeachment mula sa House of Representatives, na bumoto ng 257-25-9 para i-impeach si Duterte.
“When we get the articles of impeachment, we will give everyone a chance to look at the rules and then magco-convene,” ani Cayetano, at iginiit na magiging maayos at alinsunod sa interpretasyon ng Korte Suprema ang proseso.
“We will follow the Supreme Court interpretation, we will be speedy, ‘yung ‘forthwith’. Ngayong gabi tinitingnan na namin ‘yung rules,” dagdag niya, at sinabing may paunang usapan na rin sa minority bloc.
Na-impeach si Duterte dahil sa alegasyon ng misuse ng confidential funds, unexplained wealth, at umano’y plano ng pagpaslang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon pa kay Cayetano, ilalagay sa protective custody ng Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at bibigyan ng pagkakataong gamitin ang lahat ng legal na remedyo kaugnay ng umano’y warrant ng International Criminal Court.
“It’s also very simple. Sabi ng ating Constitution, it has to be a Philippine judge issuing a warrant of arrest. So if they come here with a warrant of arrest from a Philippine judge, we will entertain that,” aniya.
Binanggit din niya na nagdulot ng tensyon sa Senado si dating Sen. Antonio Trillanes IV matapos umanong magpakita ng kopya ng ICC warrant, na nagresulta sa pansamantalang lockdown ng Senado.
Tungkol sa kanyang pagkakahalal bilang Senate President, sinabi ni Cayetano na ito ay isang “miracle” dahil sa pagbabago ng alyansa sa loob ng Senado. RNT