Home NATIONWIDE Prescriptive period sa pag-usig sa crime hihinto pagkasampa sa DOJ ng reklamo...

Prescriptive period sa pag-usig sa crime hihinto pagkasampa sa DOJ ng reklamo – SC

MANILA, Philippines- Nilinaw ng Supreme Court na ang paghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) at hindi ang pagsampa ng kaso sa korte ang siyang naghihinto ng pagtakbo ng oras o ang prescriptive period na nakatakda para sa prosekusyon ng mga krimen, kabilang na ang mga napapaloob sa 2022 Rules on Expedited Procedures in the First Level Courts (Rules of Expedited Procedures).

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, inabandona ng SC En Banc ang naunang mga desisyon noong 2023 sa kaso na Republic v. Desierto at Corpus, Jr. v. People, kung saan idineklara ng Korte Suprema na ang prescriptive period para sa mga krimen na saklaw ng 1991 Revised Rules on Summary Procedure (Rules on Summary Procedure) ay tumitigil lang kapag ang kaso ay naisampa na sa korte.

Iginiit ng korte na ang prescriptive period para sa mga krimen ay tumitigil sa pagtakbo sa pagsasampa ng reklamo sa prosekusyon at pagsisimula ng summary investigation.

Sinabi din ng korte na habang ang mga kasong kriminal ay dapat na mainam na malutas kaagad, minsan ay hindi maiiwasan ang mga pagkaantala. Samakatuwid, ang Estado, bilang ang agrabyadong partido, ay hindi dapat mapahamak ng mga pagkaantala sa mga paunang pagsisiyasat ng DOJ, kahit na sa mga kasong kriminal sa ilalim ng summary procedure.

Ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa pagkaantala ng prescriptive period para sa pag-uusig ng mga krimen ay ipatutupad lang sa mga darating na kaso.

Bukod pa rito, nilinaw din ng Korte Suprema na sa ilalim ng Section 281 ng 1997 National Internal Revenue Code, ang prescriptive period para sa mga krimen ukol sa tax ay nagsisimula lang mula sa oras na ito ay nadiskubre, kung ito ay hindi agad napag-alaman. Nahihinto ang pag-usad ng prescriptive period sa oras na ang preliminary investigation ay umusad na. Ang interpretasyong ito ay intensyon ng batas – para magtakda ng klarong oras para sa prosekusyon ng paglabag ng batas ukol sa tax – ay nagamit nang wasto. TeresaTavares