Home NATIONWIDE Chant sa Alyansa rally binago ni PBBM kasunod ng pag-alis ni Imee...

Chant sa Alyansa rally binago ni PBBM kasunod ng pag-alis ni Imee sa admin slate

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 12 senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Santa Rosa City, Laguna sa Sabado (Marso 22, 2025). Hindi sumali sa sortie sina Senator Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar sa ikalawang sunod na araw. Cesar Morales

MANILA, Philippines- Kapansin-pansing nagbago ang tono ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-endorso sa kanyang senatorial slate matapos na tuluyang kumalas ang kanyang kapatid na si reelectionist Senator Imee Marcos mula sa ticket.

Sa mga nakalipas na campaign rally kasi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, palaging nagtatapos ang talumpati ng Pangulo sa “Labingdalawa, Alyansa!”

Subalit sa campaign rally sa ANTIPOLO, Rizal, ang naging sigaw ng Pangulo ay “Alyansa all the way!”

“Kaya sa Mayo po, ‘wag na kayong magdalawang isip. Alyansa all the way! Alyansa sa bagong Pilipinas!” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Ito ang kauna-unahang campaign rally simula nang kumalas si Imee Marcos sa administration slate.

Matatandaang sinabi ni Imee Marcos na ang ginawa ng administrasyon sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan ng tuluyan niyang pagkalas sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang koalisyon na iniendorso ng kanyang kapatid na si Pangulong Marcos.

Sinabi ni Imee Marcos na hindi na niya kayang  mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa.

Sinabi ni Marcos na may mga natuklasan siya na ginawa ng administrasyon tungkol kay da­ting Pangulong Rodrigo Duterte na salungat sa kanyang mga paninindigan at prinsipyo.

Ayon pa kay Marcos, mananatili siyang independent sa pagtakbong muli sa Senado.

Samantala, inulit ni Alyansa sa Bagong Pilipinas campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco ang kanyang mensahe kay Imee Marcos, “Senator Imee has decided na hindi na po siya sasama sa Alyansa, and we respect her decision and wish her luck.”

“Kami naman tuloy-tuloy lang po ‘yong kampanya namin, para ipakita tulad ng sabi ko kanina ‘yong kakayanan namin, ‘yong kwalipikasyon ng aming labing-isang kandidato na makikita naman kapag pinagkumpara ‘yong track record which is very important, ‘di ba?” ang sinabi pa rin ni Tiangco. Kris Jose