MANILA, Philippines- Bumisita ang isang team mula sa North Luzon Command (NOLCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mavulis Island at Basco sa Batanes upang inspeksyunin ang naval detachment facilities.
Bahagi ito ng pagsisikap na palakasin ang territorial defense ng bansa sa northernmost region.
Ginamit ng grupo ang Blackhawk helicopter para maglakbay patungong Mavulis Island, pinakamalayong isla sa norte. Mula roon, nagtungo sila sa Basco sa Batanes.
Pangunahing layunin nito na inspeksyunin ang dalawang naval detachment facilities sa lugar bilang parte ng pagpapaigting ng territorial defense ng bansa.
Sinuri rin ng team ang military personnel na nakaistasyon doon.
Batay sa AFP, mahalagang tiyakin na operational ang mga pasilidad para sa seguridad sa Batanes Group of Islands, sa Luzon Strait, at iba pang kritikal na maritime areas ng bansa.
“These [facilities] are manned by Philippine Navy Marines kasama ang civilian active auxiliary. As much as possible, kung ano ‘yung pangangailangan ng mga sundalo sa mainland, ‘yun ang ninanais na maibigay sa mga sundalong naka-deploy sa Mavulis at Basco naval detachment,” pahayag ni Major Al Anthony Pueblas, Group Commander ng 1st Civil Relations Group of AFP.
Anang AFP, hindi banta ang presensya ng militar sa mga lokal na mangingisda.
“We also have a monitoring detachment na kung saan ang misyon nito ay i-monitor ang mga pumapasok sa teritoryo ng ating bansa. So far, walang na-monitor na activities involving foreign forces,” dagdag ni Pueblas. RNT/SA