MANILA, Philippines — Paiigtingin ng Bureau of Immigration (BI) ang presensya nito sa Siargao kasunod ng dumaraming ulat hinggil sa umano’y paglabag sa immigration laws at iba pang “undesirable activities” ng ilang dayuhan sa isla.
Batay sa isang panayam, sinabi ni BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac na pinaigting na ng ahensya ang reporting channels at information-sharing systems upang mapabilis ang beripikasyon ng mga reklamong inihahain laban sa mga dayuhang turista.
Ayon kay Mabulac, kapag napatunayang may paglabag ang isang dayuhan, maaari silang sumailalim sa deportation proceedings at mapasama sa blacklist ng bansa.
Nilinaw rin ng opisyal na kahit hindi overstaying ang isang foreign national ay maaari pa ring maharap sa deportation kung may sapat na legal na basehan laban sa kanila.
“Pag makita din po natin kung sila ay may mga reklamo mula sa ating komunidad, lalo’t lalo sa local government unit, pwede pong umandar ang pagpoproseso na posibleng sila ay maideklarang undesirable at mapatawan ng deportation at mapasama sa ating blacklist,” ayon kay Mabulac.
Binigyang-diin din ni Mabulac na hindi dapat inaabuso ng mga dayuhan ang mabuting pagtanggap ng mga Pilipino sa mga turista.
Nauna rito, umugong ang ulat hinggil sa ilang Israeli nationals na umano’y nanakit at nanira ng isang café sa General Luna, Siargao matapos makita ang isang pro-Palestinian flag na nakapaskil sa labas ng establisyimento. Ayon sa mga ulat, naghagis umano ng bato ang mga dayuhan, sinira ang CCTV equipment, at nasugatan pa ang mga may-ari ng café.
Dahil dito, umani ng pagkondena mula sa mga lokal na opisyal at sa Department of Tourism ang insidente.
Bilang tugon, nagsagawa kamakailan ng Zoom dialogue ang Embassy of Israel in the Philippines kasama ang mahigit 70 business owners sa Siargao upang palakasin ang komunikasyon at tugunan ang mga concern ng komunidad kaugnay sa asal ng ilang turistang bumibisita sa isla. Jay Reyes