ISTANBUL/WASHINGTON — Tumaas ang presyo ng ginto habang bumagsak ang presyo ng langis matapos magkasundo ang Estados Unidos at Iran sa isang kasunduang pangkapayapaan na pinagitnaan ng Pakistan, na nagpaibsan sa pangamba sa nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Bumaba ng halos 4 porsiyento ang presyo ng Brent crude futures at sumadsad sa ibaba ng USD84 kada bariles mula sa mahigit USD87 matapos ihayag na nakatakdang lagdaan ng Washington at Tehran ang kasunduan sa Hunyo 19 sa Switzerland kasunod ng mahigit tatlong buwang sigalot.
Samantala, umakyat ng 1.8 porsiyento ang spot gold sa USD4,297.42 kada onsa, ang pinakamataas na antas nito mula noong Hunyo 9. Tumaas din ng 1.9 porsiyento ang US gold futures para sa Agosto sa USD4,318.10 kada onsa.
Inanunsyo ni Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif na nagkasundo ang dalawang bansa na agarang at permanenteng itigil ang mga operasyong militar sa lahat ng larangan, kabilang ang Lebanon, matapos ang masinsinang negosasyon.
“Following intensive talks, we are pleased to announce that the Peace Deal between the United States of America and Islamic Republic of Iran has been REACHED,” ani Sharif.
Dagdag pa niya, “both sides have declared the immediate and permanent termination of military operations on all fronts, including in Lebanon.”
Ayon sa mga analyst, nabawasan ang pangamba sa pagkaantala ng suplay ng langis at pagtaas ng inflation, dahilan upang bumaba ang presyo ng langis at magkaroon ng positibong reaksiyon ang mga pamilihang pinansyal. Dave Baluyot