MANILA, Philippines – Mahigpit na mino-monitor ng Department of Agriculture (DA) ang produksyon at presyo ng gulay at iba pang produktong agrikultural sa gitna ng matinding init na umaabot hanggang 44°C.
Binibigyang pansin ang mga high-value crops gaya ng gulay mula sa CAR, Ilocos, at Cagayan Valley.
“Lahat naman po ay tinututukan natin kasi dahil po sa init ng panahon, lahat po ng ating agricultural commodity maaari po siyang maapektuhan but lalung-lalong na po iyong ating mga high value crops (HVC), iyong mga gulay,” ani DA deputy spokesperson Assistant Secretary Joycel Panlilio sa isang interbyu.
Kabilang sa mga hakbang ay ang paggamit ng plastic mulch, maliit na irrigation systems, at masisilungan para sa mga alagang hayop.
Samantala, ang mga magsasakang naapektuhan ng pagputok ng Mt. Kanlaon sa Negros Occidental ay bibigyan ng binhi, gamot, at pautang na walang interes, pati na rin insurance. Santi Celario