MANILA, Philippines – Asahan na ang mas mataas na presyo ng mga gulay kasunod ng pananalasa ng mga bagyo kamakailan.
“When typhoons hit the country, normally there is an expected 10 to 15 percent increase in vegetable prices. It depends on what areas are affected,” sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.
Ayon kay De Mesa, maaaring makaranas ang Metro Manila ng pagkaantala sa suplay ng gulay, bagamat pansamantala lamang ito dahil sa mga alternatibong taniman ng gulay na mas mabilis makarekober.
“We can expect prices to shoot up for a maximum of one to two weeks but it will normalize immediately,” sinabi pa ng opisyal.
Sa price monitoring ng DA, ang kilo ng pechay Baguio na mula P90 hanggang P170 na nitong Oktubre 31, o pagtaas na 50 percent hanggang 78.9 percent mula sa P60-P95 range na naitala ng ahensya noong Oktubre 1 o bago ang pananalasa ng bagyong Kristine.
Ang carrots naman ay mula P120 hanggang P200 kada kilo, o may pagtaas ng 50% mula sa P80-P160 sa pagsisimula ng Oktubre.
Matatandaan na umabot na sa P5.75 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine, kung saan bigas ang pinakanapuruhan dito, na sinundan ng high-value crops. RNT/JGC