MANILA, Philippines – Umaasa si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na sesertipikahan ng Pangulo ang panukalang pagpapaliban sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ihiwalay ng Supreme Court ruling ang Sulu sa naturang regional group.
Nakatakdang ganapin ang unang parliamentary elections ng BARMM sa 2025 pero isinusulong ni Escudero na gawin ito sa Mayo 11, 2026 upang payagan ang buong rehiyon na muling sukatin ang kanilang hurisdiksiyon kabilang ang alokasyon ng 80-member parliament matapos magdesisyon ang SC na ihiwalay ang Sulu sa BARMM.
“Importanteng magawa ‘yan para mabigyan ng notipikasyon na ang ating mga kababayan dun sa BARMM kaugnay ng balak ng Kongreso na ipagpaliban ang eleksyon at ang pangunahing dahilan ay ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng lalawigan ng Sulu,” ayon kay Escudero.
Ayon kay Escudero, umaasa siyang sesertipikaha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala bilang urgent—Senate Bill No. 2862—dulot ng kahalagahan ng panukal at mahigpit na schedule ng Senado at House of Representatives sa nalalabing panahon ng 19th Congress.
Ipinaliwanag ni Escudero na nagbigay ng matibay na kadahilanan ang pagsasabatas ng panukalang ipagpaliban ang halalan sa BARMM alinsunod sa desisyon ng SC sa Sulu dahil magkakaroon ng implikasyon legal ito sa rehiyon.
“This ruling may require a substantial correction of existing laws, particularly RA No. 11054, and the Bangsamoro Parliamentary Districts Act of 2024 (BAA No. 58, 2024), referring to the allocation of the statutory mandated eighty (80) seats in the Bangsamoro Parliament,” paliwanag ng Senate President.
Sa resolusyon, pinagtibay ng Supreme Court ang validity ang Bangsamoro Organic Law, pero ideneklarang hindi bahagi nito ang lalawigan ng Sulu matapos nitong ibasura ang batas sa plebisito na naganap noon 2019. Boluntaryong hiniling naman ng lalawigan ng Lanao del Norte, ilang munisipalidad sa North Cotabato at iba pang lugar na makabilang sa BARMM.
Karamihan sa lalawigan na kumakatawan sa dating Autonomous Region of Muslim Mindanao o ARMM niratipikahan ang batas maliban sa Sulu, pero nagging bahagi pa din ito ng BARMM.
Nakapagtayo ang BARMM parliament ng 32 parliamentary districts sa Basilan, Tawi-Tawi, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Cotabato City, Bangsamoro Special Geographic Area sa Cotabato province, at sa Sulu.
May kabuuang 80 miyembro ng parlamento ang nakatakdang ihalal mula sa 32 parliamentary districts, kabilang ang pito sa Sulu.
“Halimbawa mayroong pito o walong kinatawan ng Sulu sa BARMM parliament, paano ‘yun kung hindi na sila bahagi ng BARMM? Paaano i-a-allocate ‘yun? Hindi naman pwedeng basta-basta na lamang ibawas. Paano ‘yung mga party-list groups na doon lahat nakarehistro at ‘yung mga sectoral groups na doon din nakarehistro?” ayon kay Escudero.
“Kailangan lahat ‘yun pagpasyahan at kailangan ng kaunting panahon para magawa at maisaayos dahil importante at dahil bahagi ng peace talks ay konsultasyon sa mga stakeholders d’yan sa BARMM,” aniya.
Nagsimula nang tumanggap ang Commission on Elections ng certificates of candidacy para sa 2025 BARMM parliamentary elections at ipagpapatuloy ito hanggang November 9 habang naghihintay ng pagkilos ng Kongreso sa posibleng pagpapaliban ng halalan.
Bukod sa paghihiwalay ng Sulu mula sa BARMM, magsisilbi ang pagdinig upang linawin angn isyu na bumabalot sa pagkilos ng Bangsamoro Transition Authority parliament na lumikha ng isang lalawigan na tatawaging Kutawato Province, na kinabibilang ng walong newly-formed municipalities na bahagi ng Special Geographic Area sa BARMM.
“The creation of a new province necessitates the creation of a legislative district so as not to disenfranchise the voters of the eight affected municipalities, namely Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, and Ligawasan, which are all located in North Cotabato,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes