MANILA, Philippines – Nakahanda ang Senado na magbigay ng certified true copy ng testimonya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pag-amin nito sa naganap na imbestigasyon ng Senado sa madugong drug war sa kanyang administrasyon.
Sa pahayag, tiniyak ni Senate President Francis Escudero na nakahanda ang Mataas na Kapulungan na magbigay ng certified true copy ng transcript ng Senado na inamin ni Duterte ang kautusan na patayin ang sinumang sangkot sa droga.
“Kung may magrequest na valid ang rason para i-request hindi mag-aatubili ang Senado na mag-certify ng kopya ng transcript ng hearing na isinagawa kaugnay sa EJK’s. Pero siyempre, di naman pwedeng kung sinu- sino lang basta basta nang walang dahilan at rason,” ayon kay Escudero.
Ganito ang reaksiyon ni Escudero sa katanungan ng media kung papayagan nitong makahingi ng opisyal na transcript ng pagdinig ang International Criminal Court.
Kasunod ng pagdinig, uminit ang panawagan sa maraming sector na papanagutin si Duterte sa naganap na drug war sa kanyang administrasyon na ikinamatay ng mahigit 20,000 hanggang 30,000 indibiduwal kabilang ang ilang inosenteng menor de edad tulad ni Kian Delos Santos, base sa pagtatala ng ilang human rights groups.
Nagsagawa ng unang pagdinig ang subcommittee ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel hinggil sa war on drugs na kung saan natunghayan ng publiko ang lantarang pag-amin at pagmumura ni Duterte.
Sa pagdinig, tinindigan ni Duterte ang paglunsad ng drug war at inamin ang responsabilidad para dito kabilang ang napatay na drug related individuals.
Bukod kay Duterte, nahaharap din sa kaso sa ICC ang ilang dating opisyal kanyang administrasyon sa pangunguna ni dating PNP chief, ngayon Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at iba pa. Ernie Reyes