Home NATIONWIDE Presyo ng mga produktong aalisin sa SRP tututukan pa rin ng DTI

Presyo ng mga produktong aalisin sa SRP tututukan pa rin ng DTI

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Trade and Industry nitong Martes, Hulyo 23 na patuloy pa rin nitong imomonitor ang presyo ng mga produktong aalisin na sa suggested retail price (SRP) bulletin.

“Itong mga items na tatanggalin natin sa SRP bulletin, hindi ibig sabihin na hindi na imo-monitor ng DTI ang mga items na ‘yan,” pahayag ni Undersecretary Amanda Marie Nograles sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Gagawin pa rin umano ng DTI ang price monitoring sa mga produktong ito Kahit na hindi maisasama regular bulletin.

“Trabaho pa rin ng DTI na tumanggap ng mga notice of price adjustments at pag-aaralan pa rin ‘yong justifications ng manufacturers dito at imo-monitor pa rin po ng DTI ang presyo ng mga bilihin na ito kahit wala sila sa SRP bulletin.”

Kailangan pa rin ng pag-apruba ng DTI bago magbago ng presyo ang mga manufacturer ng mga produktong hindi kasama sa listahan.

“Ano ba ang purpose ng SRP bulletin? Para ‘yan sa information and guidance ng mga consumer. Bilang gabay bago ka bumili pero ang nangyayari kasi, napakarami na nakalista doon na hindi pangkaraniwang binibili ng ating mga consumer so ang lumalabas, maraming nakalista. Napakaliit na no’ng lista, hindi na makita, hindi na ma-analyze ng consumers,” sinabi pa ni Nograles.

Noong Abril, plano ng DTI na isama ang unit costs sa price bulletins bilang bahagi ng kanilang hakbang para tugunan ang “shrinkflation” o pagbawas sa dami ng isang produkto para mapanatili ang presyo nito kabilang na ang production costs. RNT/JGC