MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na maaaring bumaba ang presyo ng sibuyas sa Metro Manila hanggang P80 kada kilo sa pagdating ng imported na sibuyas mula China.
Ayon kay DA spokesperson Arnel De Mesa, bababa ang presyo mula sa kasalukuyang P160 kada kilo at mararamdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Noong Peb. 20, umabot na sa 459.10 metric tons (MT) ng 3,002 MT na imported na pulang sibuyas at 200 MT ng 1,014 MT na puting sibuyas ang dumating. Naantala ang pagdating ng suplay dahil sa Chinese New Year at iba pang pista opisyal sa China.
Tiniyak din ni De Mesa na walang nagaganap na hoarding, base sa inspeksyon ng mga cold storage facilities na may kaunting stock lamang. Patuloy ang pag-iinspeksyon sa buong bansa upang mapigilan ang mga trader sa pagpigil ng suplay o pagbili ng sibuyas sa mga magsasaka sa murang halaga.
Inaasahan ang rurok ng ani mula Marso hanggang Abril, na may tinatayang 145,000 MT na pulang sibuyas at 35,000 MT na dilaw na sibuyas. Santi Celario