MANILA, Philippines – TINIYAK ng pamahalaang lungsod ng Maynila na mananatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing tinapay matapos maglaan ng subsidiya para sa mga community bakery sa lungsod.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ng tig-₱25,000 tulong pinansyal ang mga panaderyang kalahok kapalit ng pagpapanatili ng kasalukuyang presyo ng kanilang produkto sa loob ng 30 araw.
Layunin ng inisyatiba na maprotektahan ang mga mamimili laban sa dagdag-pasanin dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
Kabilang sa mga produktong inaasahang hindi magtataas ng presyo ang pandesal, pan de lemon, monay, at Spanish bread—mga karaniwang bahagi ng almusal ng maraming pamilyang Pilipino.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, mahalagang masuportahan ang mga lokal na panaderya upang hindi na nila kailangang ipasa sa publiko ang pagtaas ng kanilang gastusin.
Dagdag pa ng alkalde, bagama’t pansamantala lamang ang tulong, magsisilbi itong agarang solusyon upang maibsan ang epekto ng kasalukuyang pandaigdigang krisis sa sektor ng pagkain.
Samantala, inilarawan ni Asosasyon ng Panaderong Pilipino (APP) President Chito Chavez ang naturang hakbang bilang isang “landmark” na inisyatibo para sa industriya ng pagtitinapay.
“Ngayon lang ako nakakita ng isang pinuno, lalo na sa lokal na pamahalaan, na sa gitna ng krisis ay talagang dinama ang kalagayan ng industriya ng pagtitinapay. Napakalaking tulong nito—pinapalakas nito ang loob ng mga panaderya sa panahong ito ng pagsubok,” ani Chavez sa panayam ng Manila City Hall Press Club.
Nauna nang nanawagan si Chavez sa mga lokal na panaderya na panatilihing matatag ang presyo ng tinapay upang hindi na madagdagan pa ang pasanin ng mga mamimili sa kasalukuyang sitwasyon. JAY Reyes