Home OPINION PRESYONG PETROLYO NAGKALOKO-LOKO NA

PRESYONG PETROLYO NAGKALOKO-LOKO NA

190
0

ANO na ang sagot ng ating gobyerno sa nagkaloko-loko nang presyo ng mga produktong petrolyo gaya ng gasolina, diesel, kerosene, liquified petroleum gas, aviation fuel, liquified natural gas at iba pa?

Habang tinitipa ito, umabot na sa $79-80 kada bariles ng langis ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at kung magtatagal pa ang giyera sa Iran laban sa United States at Israel, maaaring aabot na ang presyo sa $120 kada bariles, ayon sa JPMorgan Chase.

Nagkaloko-loko ang lahat sa langis simula nang atakehin ng United States at Israel ang Iran nitong Sabado na ikinamatay ni Iran Supreme Leader Ayatolla Khameini, kasama ang 47 matataas na lider ng Iran.

Bilang ganti, may tatlo nang lumulubog na barko na inatake ng Iran sa Strait of Hormuz, huminto na rin ang pinakamalaking sangay ng Aramco, pinakamalaking oil producer ng Saudi Arabia dahil tinamaan ito ng missile at drone, at tumigil na ang mga barko na maglayag sa Strait of Hormuz dahil nakasara na ito sa digmaan.

Sa Strait of Hormuz dumadaloy palabas mula sa ilang bansang Arabo ang nasa 20 milyong bariles ng langis araw-araw o 20-25% suplay ng mundo, karamihan papuntang Asya, kasama ang China.

AWTOMATIKONG SUSPENSYON SA TRAIN LAW

Ayon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN law, kapag umabot ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan sa $80 kada bariles ng krudo, magkakaroon ng awtomatikong suspensyon o pagtigil ng koleksyon ng excise tax.

Itong excise tax, mga Bro, ay P10 kada litro ng gasolina, P6 ng diesel at P3 ng kerosene.

Umiiral ang patakaran ng Palasyo na hindi pa umano napapanahon ito, ngunit lumambot ito makaraan at humingi si Pangulong Bongbong Marcos ng pahintulot na bawasan ang singiling excise tax sa pamamagitan ng isang batas.

Ngunit nagpapanukala ngayon ang mga senador, kasama sina Sens. JV Ejercito, Migz Zubiri at iba pa na pairalin ang tadhana ng TRAIN law na awtomatikong suspendihin ang excise tax ngayong $80 na ang presyo kada bariles.

Lahat para sa kapakanan ng mga mamamayan na nahihirapan na sa epekto ng nakapamahal nang mga produktong petrolyo.

Hindi lang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan ang apektado, mga rider at delivery personnel at may-ari ng mga restoran o kainan.

Lahat naman ng mamamayan ay naghihirap na rin sa napakatataas na presyo ng mga bilihin at nandito pa ang mahal na langis na lalong nagpapataas ngayon ng presyo ng lahat ng bilihin.

PROBLEMA SA SUPLAY

Ayon sa mga negosyante, hindi na lang ang presyo ang problema kundi suplay mismo ng langis dahil sa pagtigil ng biyahe ng napakaraming oil tanker dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz.

Lalo pang lalala ang sitwasyon, mga Bro, kung isasara rin ng mga Hourthi ang kontrolado nilang bahagi ng Red Sea na daluyan din ng langis para rin sa buong mundo.

Simpatisador ng Iran ang Houthi sa Yemen na may kakayahang magpalubong mga barko gaya ng sinakyan at kinamatayan na ga ilan nating seaman nitong nakaraang taon.

Excise tax, suspendihin na!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here