ANG saklap ng bagong bansag ngayon kay Sen. Ping Lacson. Tinatawag siya hindi bilang “senador ng bayan” kundi bilang TAGAPAGTANGGOL NG MGA MANDARAMBONG.
Ito’y dahil sa ginagawa niyang pagtatakip sa mga sangkot sa paglimas sa pondo ng bayan, partikular sa bilyon-bilyong pera na mula sa paggawa sana bilang pangontra sa baha.
Naging totoo ang mga naunang haka-haka na kaya siya inilagay bilang pinuno ng Senate blue ribbon committee ay upang ilihis ang tunay na pakay ng imbestigasyon sa flood control scandal.
Hindi katotohanan ang hinahanap ni Lacson bagkus ay “butas” sa testimonya ng mga testigo kapag tinutumbok na ang taong gusto niyang protektahan.
Kagaya ni Sgt. Orly Guteza, ang unang ex-Marine na nagsabing naghatid ng maleta-maletang pera sa mga mansyon nina Pangulong Bongbong Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, na imbes suportahan ang katotohanan ng mga sinasabi ay “winakwak” pa ang kredibilidad.
Nasaan na si Guteza? Tinakot pati ang kanyang pamilya kung patuloy sa pagbubulgar ng mga nalalaman tungkol sa male-maletang pera. Ang huling balita, dinala nang pagkalayo-layo sa ibang bansa para hindi na talaga makalantad.
Pero may mga bagong dating na 18 brave ex-Marines na lumabas at nagsabing mga taga-deliver din sila ng male-maletang pera sa mga opisyal ng gobyerno at mga pulitiko.
Pinangalanan nila ang mga politikong hinatiran nila ng male-maletang pera at kabilang dito si Ping Lacson. May mga dokumento, mga larawan at video na ipinakita ang mga dating sundalo. Mga ebidensiya o resibong mahirap baliin.
Pero siyempre, tumanggi ang mga politikong sinasabing nadalhan ng maletang pera. E sino ba naman ang aamin na kasabwat sila sa pagnanakaw?
Nakahanda ang “18 maleta men” na magpagisa sa Senado, sa korte o sa kahit saang forum para patunayang totoo ang kanilang mga sinasabi.
Ngunit ang maagang pagbasura ni Lacson sa testimonya ng mga dating Marines bago pa sila maiharap sa Senate blue ribbon committee ay pagpapakita ng malinaw na pagiging bias niya para madinig ng taumbayan ang katotohanan.
Pinipili lamang ni Lacson ang “CONVENIENT TESTIMONIES” para sa kapritso ng “kanyang mga diyos-diyosan” at pinagtatakpan ang totoo na naglalagay sa alanganin sa buong integridad ng Senado.
Sa ngalan ni Bongbong, sa ngalan ni Martin at sa ngalan ng maleta, amen!!






