Home NATIONWIDE Price cap sa imported rice, ipatutupad ng DA vs sirit-presyo

Price cap sa imported rice, ipatutupad ng DA vs sirit-presyo

134
0

MANILA, Philippines – Nagrekomenda ang Department of Agriculture (DA) ng pagpapatupad ng price cap sa imported rice matapos nitong matukoy ang “unreasonable” na pagtaas ng presyo na iniuugnay sa global oil shock sa gitna ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., umaabot na sa P55 hanggang P58 kada kilo ang bentahan ng imported rice—lampas sa itinuturing niyang makatarungang presyo.

“The price of imported rice should not go beyond P50,” ani Tiu Laurel, sabay dagdag na “hindi reasonable ‘yung pagtaas ng imported rice dahil ang cost niyan mababa pa.”

Aniya, may mga negosyanteng posibleng nananamantala sa sitwasyon kaya’t itinulak ng DA ang rekomendasyon para sa price cap, na kasalukuyang sinusuri pa ng kanilang legal team.

“Definitely may nanamantala that’s why nagrekomenda kami na mag-impose ng price cap on imported rice… pinag-aaralan pa ‘yan ng legal,” aniya.

Inaasahang ihahain ng DA ang opisyal na rekomendasyon nito sa Malacañang, na daraan pa sa pagsusuri ng Price Council at iba pang ahensya.

Bilang bahagi ng mga hakbang, naglalabas din ang ahensya ng imported rice na nagkakahalaga ng P45 hanggang P48 kada kilo sa 36 na pamilihan sa Metro Manila, na palalawakin pa sa Metro Cebu.

Nilinaw ni Tiu Laurel na walang planong magpatupad ng price cap sa lokal na bigas upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka, lalo na ngayong panahon ng anihan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here