Home NATIONWIDE PrimeWater probe sinigurong daraan sa due process – Malakanyang

PrimeWater probe sinigurong daraan sa due process – Malakanyang

MALACAÑANG — Tiniyak ng Malacañang na nakaatang sa magiging resulta ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ang kapalaran ng mga joint venture agreements (JVAs) ng PrimeWater Infrastructure Corporation, na pagmamay-ari ng pamilya Villar.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, inaasahan na sa lalong madaling panahon ay mailalabas ng LWUA ang kanilang findings kaugnay ng umano’y palpak na serbisyo ng kumpanya, na inaasahang nakaapekto sa humigit-kumulang 16 milyong konsumer sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Kailangan lang po talaga na ito’y mabilisang maaksyunan,” ani Castro sa isang press briefing.

Nauna nang naghain ng reklamo ang Bayan Muna Party-list at ilang consumer groups sa Malakanyang, na nananawagan ng pagkansela ng lahat ng JVAs sa pagitan ng PrimeWater at mga lokal na water districts. Tinukoy nila ang malawakang service failures, legal violations, mataas na singil, at hindi maayos na customer service sa mga lugar gaya ng San Jose del Monte (Bulacan), Bacolod City, Cavite, Quezon, at Bukidnon.

Mga Puntos ng Reklamo:
>Pagtaas ng singil sa tubig (hal. mula P280 tungo sa P499.53 sa San Jose del Monte para sa unang 10 cubic meters);

>Mabagal o walang suplay ng tubig;

>Mahinang kalidad at serbisyong teknikal;

>Displacement ng mga empleyado ng water districts;

>Umano’y pag-charge ng corporate income tax sa consumers;

>Potensyal na paglabag sa PD 198 at regulasyon sa public-private partnerships;

>Posibleng paglabag sa Saligang Batas.

Hiniling ng Bayan Muna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na:

>Maglabas ng executive order para pawalang-bisa ang JVAs;

>Atasan ang LWUA na ibalik ang kontrol sa mga apektadong water districts;

>Isagawa ang komprehensibong imbestigasyon sa lahat ng kasunduan.

Sa tanong kung handang pagbigyan ng Malakanyang ang panawagan na kanselahin ang mga JVAs, sagot ni Castro:

“Ang Pangulo at ang administrasyon ay naniniwala sa due process… Aalamin po natin lahat — kung may anomalya, kung ano ang pagkukulang, at kung anuman ang dapat ipahinto.”

Ipinunto rin ni Castro na ang aksyon ng Pangulo ay hindi lamang politikal kundi tugon sa tunay na hinaing ng mamamayan:

“Iyan po ay ating wini-welcome dahil ibig sabihin, ang aksyon pong ginawa ng Pangulo ay hindi lamang pamumulitika.”

Mananatiling nakaantabay ang publiko sa mga hakbang ng pamahalaan at resulta ng imbestigasyon hinggil sa isyung ito na may malawak na epekto sa karapatang pantubig ng mga mamamayan. Kris Jose