MANILA, Philippines – SINIBAK na sa pagiging principal ng isang paaralan sa Laua-an, Antique ang nagpatanggal sa toga sa mga nagsipagtapos na Grade 12 students.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ini-report ni Department of Education Secretary Sonny Angara sa Malakanyang na inalis na sa pwesto ang naturang principal.
“Opo, dahil na rin po sa naging direktiba po ng Pangulo, agaran pong kumilos ang ating secretary, DepEd Secretary Sonny Angara, at ang sinasabi pong guro ay tinanggal na po bilang principal sa nasabing eskuwelahan,” ang sinabi ni Castro.
Nangyari ang insidente bago ganapin ang processional march sa graduation ceremony ng Colonel Ruperto Abellon National School (CRANS) noong Abril 15, 2025.
Ayon sa report, ang anunsiyo ng principal ay alinsunod daw sa utos ng DepEd na gawing simple ang kasuotan sa graduation.
Maririnig ding sinabi ng principal na siya ang mag-aabot ng diploma—isa-isa, sa bawat graduate—sa kanyang opisina.
Makikitang lumapit ang isang guro para kusapin ang principal, pero base sa facial expressions at gestures nila, mahihinuhang hindi pumayag ang principal sa sinasabi ng guro.
Subalit nilinaw ni Castro na maaari pang magturo sa ibang eskuwelahan ang school principal dahil “Tinanggal lamang po siya sa pagiging principal. Iyong license naman po niya ay hindi naman manggagaling sa pag-uutos ng Pangulo o ng DepEd Secretary.”
“Allowed pa rin po siya, at siyempre titingnan pa rin po kung ano bang klase ang kaniyang behavior. Kailangan po iyan, importante po iyan lalo na po’t siya ay isang guro,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni Castro na ipauubaya na ng Malakanyang sa DepEd kung ano ang magiging disposisyon sa principal kung may kakaharapin ba itong kasong administratibo o sapat na ang pagtanggal dito bilang principal ng nabanggit na eskwelahan.
“Iyan po ay kukunin muna natin kung ano ba ang dapat na gawin pa ni Secretary Angara. Pero for the meantime, ito po ay mabilisan na aksiyon na ginawa po ni Secretary Angara,” ang pahayag ni Castro. Kris Jose