Home HOME BANNER STORY Prinsipal sa Catanduanes, 11-taong kulong sa ibinulsang P5,000

Prinsipal sa Catanduanes, 11-taong kulong sa ibinulsang P5,000

MANILA, Philippines – Hinatulan ng 11 taong pagkakakulong ang isang punong-guro sa Virac, Catanduanes dahil sa pamemeke ng dokumento at paglustay ng ₱5,000 pondo ng gobyerno.

Pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol ng Virac RTC Branch 42 na nagpapatunay na nagkasala si Anchelita Sicio ng Taytay Elementary School sa kasong malversation at falsification ayon sa Revised Penal Code. Para sa malversation, siya ay sinentensiyahan ng apat na buwan at isang araw hanggang tatlong taon, anim na buwan, at 21 araw na pagkakakulong, tinanggalan ng karapatang humawak ng pampublikong posisyon, at pinagmulta ng ₱5,000.

Sa kasong falsification, pinalala ng anti-graft court ang parusa, kaya’t siya ay nasentensiyahan ng anim na buwan at isang araw hanggang walong taon at isang araw, bukod sa karagdagang multang ₱3,000.

Batay sa rekord ng korte, pineke ni Sicio ang isang sales invoice upang palabasing bumili ang paaralan ng 28 sako ng semento na nagkakahalaga ng ₱7,000, gayong walong sako lang na nagkakahalaga ng ₱2,000 ang aktwal na binili. Hindi niya naipaliwanag kung saan napunta ang nawawalang ₱5,000 mula sa pondong ibinigay ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes. RNT