INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Korean national sa isinagawang raid sa hinihinalang illegal online gambling hub sa isang hotel sa Pasay City.
Iniulat ni BI fugitive search unit (FSU) chief Rendel Ryan Sy na ang 6 na Koreano ay inaresto sa pakikipag-ugnayan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Criminal Investigation and Detection Group Southern Police District Field Unit (CIDG-SPIDFU) noong Pebrero 17.
Kabilang sa mga naaresto ay si Ha Jungjo, na may aktibong derogatory record sa BI dahil sa overstaying o hindi maipaliwanag na matagal na presensya sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang raid kasunod ng opisyal na komunikasyon ng PAOCC hinggil sa hinihinalang ilegal na aktibidad ng nasabing mga dayuhan.
Nadiskubre ng mga operatiba ang maraming computer station na sinasabing ginagamit para sa mga iligal na offshore gaming operations.
“Korean authorities confirmed that monetary transactions in Korean currency and linked bank accounts suggest active participation in illegal gambling activities,” saad ng BI.
Ang mga nahuli na dayuhan, na karamihan sa kanila ay may mga permanenteng residenteng visa, ay nahuli sa aktong nagpapatakbo sa pinaghihinalaang sentro ng pagsusugal.
“We continue to intensify our enforcement actions against foreign nationals violating Philippine laws, in line with the administration’s directive to maintain law and order,” ani Viado.
Habang ang pisikal na kustodiya ng mga inarestong indibidwal ay naibigay na sa PAOCC, ang legal na kustodiya ay nananatili sa BI habang nagsisimula ang mga paglilitis sa deportasyon.
“We will ensure that due process is followed while working closely with our law enforcement partners to rid our country of undesirable aliens engaged in illicit activities,” dagdag pa ni Viado.
Lahat ng 6 na Koreano ay nahaharap sa deportasyon at blacklisting mula sa bansa. Jay Reyes