MANILA, Philippines – Ipinaalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na solusyon ang kailangan ng bansa sa mga nararanasang problema, at hindi ang mga masasakit na salita.
Ito ang naging pahayag ni Marcos kasabay ng campaign rally ng senatorial candidates sa ilalim ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas.
“Kailangan po natin sa napaka-komplikadong panahon na ito ay ang mga solusyon. Hindi po natin kailangan yung mga maiinit at maaanghang na salita na walang namang kinalaman para ikabubuti ng ating lipunan, sa ikabubuti ng ating kabuhayan,” ani Marcos.
“Ang mga kandidato ng Alyansa ay kasama natin pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat isang Pilipino,” dagdag pa niya.
Dumalo sa naturang campaign rally sina dating
Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis Tolentino, dating senador Panfilo “Ping” Lacson at Manny Pacquiao, ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, at House Deputy Speaker Camille Villar. RNT/JGC