MANILA, Philippines – AMINADO ang isa sa mga opisyal ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na nabigo ang mga service provider na MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo) na matugunan ang nilagdaang kontrata na nagkakahalaga ng P842.7 milyon para sa paghahakot ng basura sa Maynila dahil sa kakulangan ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay Manila Department of Public Service (DPS) Officer-in-Charge Jonathan Garzo, sa kabila nito ay patuloy nilang sinisikap na makatulong sa paghahakot ng basura at malinis ang mga pangunahing lansangan sa tulong ng kanilang mga street sweepers na maaga pa lamang ay naka-deploy na sa lansangan.
Nauna nang sinabi ng DPS na hindi nila kayang balikatin ang problema sa basura sa lungsod dahil sa kakulangan ng mga trak na panghakot kaya’t maraming lugar sa Maynila ang naipon ang hindi nahahakot na basura.
Dahil dito, nagpasaklolo na ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sa sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mahakot ang nagtambak na basura sa maraming lugar sa lungsod.
Bunsod ng malalang problema sa basura ay lalong umalingawngaw ang panawagan ng mga Manilenyo na umupo na ng mas maaga bilang Alkalde ng lungsod si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso upang agarang matugunan ang nasabing problema sa Maynila.
Kaugnay nito, sinisisi naman ng mga opisyal ng barangay sa distrito ng Sampaloc ang nagtambak na basura sa mabilis na paglalim ng baha sa kanilang lugar, lalu na sa kahabaan ng Espana Blvd. matapos ang dalawang sunod na araw na pagbuhos ng malakas na ulan noong Sabado at Linggo ng hapon.
Nangangamba rin ang mga magulang ng mga batang mag-aaral na magdulot ng iba’t-ibang uri ng sakit sa kanilang mga anak, hindi lang ang baha, kundi maging ang umaalingasaw na mabahong amoy na nagmumula sa tambak na basura.
Nagpahayag din ng pangamba si incoming Mayor Isko Moreno Domagoso hinggil sa nasabing problema na kinakaharap ng mga Manilenyo dahil baka aniya dumami ang magkasakit, lalu na mga bata at mga senior citizen kung hindi agad ito mareresolbahan.
Bagama’t ilang araw na lamang ay matatapos na ang termino bilang alkalde ng Maynila, nanawagan pa din ang mga Manilenyo kay Mayor Honey Lacuna na gumawa ng kaukulang aksiyon sa naturang problema. JAY Reyes