Home OPINION PROBLEMANG PAGKABANSOT SA BANSA, HINDI NA BIRO

PROBLEMANG PAGKABANSOT SA BANSA, HINDI NA BIRO

BANSOT ang tukso sa mga taong hindi nabiyayaan ng katangkaran na kadalasang nakasasakit sa damdamin ng mga kulang sa sukat gayong wala naman itong kinalaman sa kanyang tunay na pagkatao.

Sa pag-aaral ng World Health Organization, tinutukoy na bansot ang isang bata kung kulang ng dalawang antas sa standard deviations ang kanyang taas para sa kanyang edad.

Hindi na ito biro dahil may malala na itong epekto sa pisikal na pag-unlad ng isang bata lalo’t ayon sa WHO, maaaring magresulta ito ng kanilang kawalan ng katalinuhan sa pag-aaral, hindi produktibo sa pagtatrabaho sa kanilang pagtanda na magreresulta sa mababang sahod, magiging sakitin at makaaapekto rin sa wastong pag-iisip.

Ang masaklap, napag-alaman ng Philippine Institute for Development Studies na noong 2020, isa sa bawat tatlong bata sa Pilipinas ay stunted o bansot kaya kabilang tayo sa 10 sa mga bansang may pinakamataas na antas ng pagkakaroon ng bansot na mamamayan.

Nabigyang kamalayan lamang ito ng mga mambabatas nang talakayin ni Senator Alan Peter Cayetano sa pagsisimula ng plenary debates sa Senado nitong araw ng Miyerkules para sa 2025 General Appropriations Bill o yung pagpapasa ng pondo ng pamahalaan sa susunod na taon.

 Sabi ni Sen. Cayetano, kahit gaano kaganda ang mga proyekto ng pamahalaan, mababale-wala ang mga ito dahil may panghabambuhay na limitasyon ang pagkabansot sa mga mamamayan.

Sabi ng Senador, kung ang bata aniya ay stunted, gaano man kaganda ang housing project, livelihood projects, o iba pang proyekto ng pamahalaan, hindi ito makakapagbigay ng magandang resulta dahil kung ang tao ay bansot, parang tumigil na doon ang kanilang pag-unlad at hindi madaling ipagpatuloy pa ito.

Naniniwala si Cayetano na maaaring ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi umaarangkada ang pag-asenso natin bilang isang bansa. Isa aniyang tahimik na problema o sakit ang pagiging bansot dahil hindi ito napapansin at pinagtutuunan ng atensyon.

Ngayon, paano nga naman mapakikinabangan ng taumbayan ang mga programa ng gobyerno kung hindi kinakaya ng kanilang mga katawan ang pagiging produktibo?

Sabi nga ni Cayetano, aanhin natin ang P6 trillion budget kung one-third, one-fourth, o one-fifth ng ating population ay stunted o bansot?

Kung hindi pa ito binusisi at tinalakay ni Cayetano, hindi pa mapapansin ang laki ng problemang ito kaya panahon na siguro para tugunan ito ng gobyerno lalo na’t nasa panahon ng pagpapasa sa budget ang Kamara.

Dapat lang siguro na ngayon pa lang ay bumalangkas na ng plano para maisulong ang wastong nutrisyon ng sanggol sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina hanggang sa limang taong gulang at isali na dapat ito sa 2025 national budget.

Sabi ni Cayetano kapag kasi pinabayaan pa ang ganitong “silent problem”, para na rin daw tayong nagtapon lang ng pera.