MANILA, Philippines – Pabahay na may seguridad, pamumuhay na may dignidad, ito ang hatid ng Expanded 4PH Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga bagong homeowners sa People’s Ville housing project sa Davao City.
“Inilarawan ng ibang beneficiaries ang dating estado bago makamit ang pangarap na sariling tahanan – lampas dalawang dekadang nangungupahan at palipat-lipat ng tirahan, ito ang pagkakapareho ng mga kuwento ng kanilang buhay,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Ngunit dahil sa pinaigting at epektibong pabahay program ng pamahalaan at sa pamumuno ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, tapos na ang kanilang pagtitiis at paghihintay. Ang dating renters ay ganap nang homeowners ngayon,” anito.
Ang proyektong ito ani Castro ay pinagplanuhan, trinabaho ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. dahil iyan ang nais ng Pangulo para sa mga kababayan at ito ay para sa mga taga-Davao City.
“Isang maayos na pabahay, isang tunay na komunidad, ngunit ang proyektong ito ay pilit na inaagaw ng ilang mapagpanggap na kahit wala silang anumang kontribusyon sa pagod ng Pangulong Marcos Jr. at ng DHSUD ay pilit bubulagin ang mga kababayan natin sa pamamagitan ng pagpapanggap na kanila raw ang proyekto na People’s Ville sa Davao City,” ang litaniya ng Pangulo.
Taong 2023 aniya nang maaprubahan ang development permit ng proyekto. Noong 2024 naman aniya ay inilabas ang Certificate of Registration nito habang ang building permit ay na-issue noong February 2024.
Ipinakita naman ni Castro ang mga katibayan na aksyon ng pamahalaan patungkol dito sa People’s Ville.
“Narito po ang development permit para hindi po tayo mabulagan at maloko ng ibang mga taong nagpapanggap na ang proyektong ito ay sa kanila at hindi sa kasalukuyang administrasyon. Ang development permit po ng People’s Ville sa Davao City ay naisyu lamang noong July 18, 2023. Ito po ang pinalaking kopya ng development permit, at kung mapapansin ninyo po, nandito po iyong date kaya pinalakihan ko rin po para makita ng ating mga kababayan. Ito po iyong pinalaking upper portion ng nasabing development permit. Nandito ang petsa, July 18, 2023,” ani Castro.
“At maliban diyan, ang Certificate of Registration # 0002414 para sa People’s Ville 1, 2, 3 condominium project, naisyu po ito June 20, 2024 – panahon na po ito ni Pangulong Marcos Jr. At pinalaki ko rin po iyong pinaka-petsa na nakasaad po sa bandang dulo ng nasabing certificate. Nandito po, June 20, 2024,” aniya pa rin.
“At kasama rin po na ipapakita ko sa inyo ang building permit para sa People’s Ville, Application 23008243 na may petsang December 6, 2023. Ito po ang application for building permit, at naisyu naman po ito February 16, 2024. Ito po ang pinalaking may petsa ng nasabing dokumento,” dagdag na pahayag ni Castro.
Kaya makabubuti aniya sa lahat na maging mapanuri at ang proyektong ito ay parasa mga Davaoenos, hindi para magpabida ang sinuman kung hindi laan ito para sa mamamayan lalung-lalo na sa Davao City.
Sa kabilang dako, sa pinakabagong ulat ng ahensya, nasa higit 2,600 units na ang tapos habang nasa apat na building na may 400 units ang kasalukuyang under construction. Ongoing ang development ng People’s Ville Project sa Calinan District, Davao City. Dinisenyo ito upang makapag-accommodate ng 7,200 condominium units sa tulong ng 72 residential buildings.
Isa lamang ani Castro ang People’s Ville sa programa na pabahay ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
“Malinaw ang hangarin ng Pangulo: Ang maghatid ng maayos, ligtas, at may dignidad na pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino,” ani Castro.
“Totoo po, mga tiga-Davao City, hindi po kayo maiiwan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
At maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan,” pagtiyak ni Castro. (KRIS JOSE)