MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng 56 na nanalong kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) habang hinihintay ang pagresolba sa kanilang disqualification cases.
Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco, may kabuuang 256 respondents ang nabigyan ng order para sa suspensiyon ng proklamasyon.
Sinabi ni Laudiangco na sa 256, sa pinakahuling datos, 59 (order) ang nanalo at ang kanilang mga proklamasyon ay nasuspinde.
Tinitignan aniya ng poll body na resolbahin ang lahat ng disqualification case sa Disyembre.
“The Comelec is intending to resolve all these cases within the month of November but given the influx of further cases, we might be able to finish and resolve these cases as committed by Chairman (George) Garcia until December,” paliwanag ni Laudiangco.
Nauna nang inaprubahan ng poll body ang resolusyon na nagpapahintulot na suspindihin ang proklamasyon ng winning candidates na may hindi naresolba o pending cases sa komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden