SULTAN KUDARAT- Patay ang isang propesor at pamangkin nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang mga una ay sakay ng motorsiklo, iniulat kahapon sa bayan ng Kalamansig.
Kinilala ang biktimang sina Henry Acha Racho, 52, propesor/coach sa Notre Dame of Salaman College, Lebak, Sultan Kudarat at pamangkin nitong si Erick James Moyet, estudyante ng naturang paaralan at kapwa residente ng Barangay Cadiz, Kalamansig.
Batay sa report ng Kalamansig Municipal Police Station, bandang alas-5:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Barangay Marigaeg, ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang dalawa pauwi sa kanilang tahanan nang bigla na lamang silang tambangan ng mga armadong suspek at pinagbabaril saka mabilis na tumakas.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na agad ikinasawi ni Racho. Dinala naman sa ospital ang pamangkin para lapatan ng lunas subalit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico