Home NATIONWIDE Hirit na makapagpiyansa ng akusadong nameke ng kamatayan tablado sa Sandiganbayan

Hirit na makapagpiyansa ng akusadong nameke ng kamatayan tablado sa Sandiganbayan

MANILA, Philippines- Hindi pinalampas ng Sandiganbayan ang ginawang pamemeke sa sariling kamatayan ng isa sa akusado sa kaso sa 1998 textbook scam.

Sa ikalawang pagkakataon, ibinasura ng Sandiganbayan ang bail petition ni Mary Ann Maslog, matapos madiskubre na nitong nakaraang taon na buhay pala ito at nagkunwaring patay na, limang taon ang nakalilipas, para lamang makaiwas sa kaso.

Inihayag ng Sandiganbayan Second Division na bukod sa salat sa merito ang mosyon ni Maslog, ang paulit-ulit nitong pagtakas sa batas, ang hindi pagharap sa korte at ang paggamit ng iba’t ibang pagkakakilanlan ay patunay na isa siyang flight risk o may posibilidad na takasan ang kaso.

Bukod dito, sinabi ng korte na kahit tinitiyak sa Konstitusyon ang karapatang makapagpiyansa, hindi naman ito maituturing na buong lubusan o absolute.

“Granting bail based on her circumstances will erode public confidence in the judicial system,” sinabi ng korte.

Pinuna rin ng anti-graft court na noong una siyang payagang makapagpiyansa noong 2017 ay hindi na dumalo si Maslog sa mga pagdinig ng korte na itinuturing na isang paglabag sa kanyang “legal obligations.”

Magugunita na naghain si Maslog ng panibagong motion for reconsideration nitong Dec. 12, 2024, o anim na araw matapos ibasura ng korte ang kanyang Nov. 25, 2024 na mosyon para makapagpiyansa. Teresa Tavares